| « Nagulat Nga Ba Si Tomas? | Mayo Uno: Piyesta Ni San Jose, Manggagawa » |
Ay, Jun Ventilacion! Style Mo Bulok! O Ang Pangalang ng Iglesya ni Manalo
Akala ko'y makakarinig ako ng magandang paliwanag mula kay Jun Ventilacion tungkol sa pangalan ng kanilang Iglesya. Nguni't ako'y nagkamali.
Ipinakikilala si Jun Ventilacion na isa sa pinakamaalam na ministro ng Iglesya ni Kristo dahil nakapag-aral daw siya sa Israel ng mga linggwahe ng bibliya. Kanina'y pinag-usapan sa programa ng Net25 ang pangalan ng Iglesya ni Kristo. Ito ba ang pangalan ng Iglesya?
Follow up:
Kung tutuusi'y madali lamang namang sagutin ang tanong. Ang paliwanag ay kinuha mula sa Mateo 16:13-20. Dahil sa bersikulo 18 ay sinabi ng Panginoon na "sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesya..." madaling sabihin -- ayon kay Ventilacion -- na ang Iglesya ay tinatawag na "Iglesya ni Kristo." At iyan din marahil ang kanilang sinasabi sa mga miyembro ng kanilang Iglesya, lalo pa't ngayo'y hindi na nila magamit ang salin ni Lamsa para sa Mga Gawa. Ang nakakatawa ay ito. Idinagdag pa ni Ventilacion na mula sa teksto ng Mateo 16:18 ay mahihinuha na na ang Iglesya ay iisa lamang at hindi maaaring marami. Kaya nga daw mali ang mga nagsasabi na maraming Iglesya ni Kristo.
Ang akin lamang ay ganito: Kung ang sagot sa katanungan tungkol sa pangalan ng Iglesya ay ganun lamang, hindi na dapat pumunta si Mr. Jun Ventilacion sa Hebrew University para mag-aral. Pumunta ka lang sa New Era ganyan din ang makukuha mong sagot. Kaya nga lamang ay mali.
Unang-una ay ito: Sa Roma 16:16 mababasa natin ang ganito: Kayo'y binabati ng lahat ng mga Iglesya ni Kristo. Mapapansin agad na mali si Ventilacion sa kanyang tinuran dahil malinaw na sa panahon ni Pablo ay maari nang sabihin na may MGA Iglesya ni Kristo, dahil sila'y marami.
Ikalawa ay ito: kung bibilangin natin kung ilang talata ang bumabanggit sa "Iglesya ni Kristo" matatagpuan natin na bukod sa Roma 16:16 ay wala nang banggit nito. Ang mas maraming banggit ay ang "Iglesya ng Diyos".
Ikatlo naman: Kung tama si Mr. Ventilacion, bakit hindi madalas sa Bagong Tipan ang banggit ng "Iglesya ni Kristo"? At kung tutuusin ay kung kukunin natin ang pangalan ng Iglesya mula sa Mateo 16:18 ang dapat na itawag dito ay "Iglesya ni Jesus" sa kadahilanan na "Hesus" ang prinsipal na suheto ng mga pandiwa ng pagsasalita sa buong talata, pwera yung mga kaso na mga alagad o si Pedro ang nagsasalita (v. 14 eipan, v. 16 apokritheis... eipen). Maaaring sabihin na "Kristo" ang nagsabing "aking Iglesya" sa bersikulo 18 dahil siya'y ipinakilalang ganun ni Pedro sa bersikulo 16 nang kanyang sabihing "Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay." Nguni't hwag nating kaligtaan na sa susunod na bersikulo -- 17 -- ay nakalagay ang ganito: "At sumagot si Hesus at sinabing..." Kaya nga sa bersikulo 18, ang nagsabing "aking Iglesya" ay "Hesus", hindi "Kristo." ![]()
Sa madaling sabi, batay sa Mateo 16:18 ang pangalan ng Iglesya ay "Iglesya ni Hesus (ang Kristo)".